Manila, Philippines – Simula sa 2019, mahigpit nang ipatutupad ng Food and Drugs Administration (FDA) ang paglalagay ng tamang format ng expiration date sa mga manufactured goods lalo na sa mga pagkain.
Maraming konsyumer kasi ang nalilito pa rin sa porma ng expiry date dahil sa iba-ibang tawag dito.
May mga manufacturer ang gumagamit ng “expiration date”, “best before” o “bb”, “consume before”, “best buy” o “best sold by”.
Dahil ditto iminungkahi ni Steven Cua, President ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association – ang paggamit ng iisang porma na lang ng expiration date.
Batay sa patakaran, ang porma dapat ng expiration mark ay day-month-year.
Ayon sa FDA – dapat ay uniform, malinaw at hindi malilito ang mga konsyumer kung hanggang kailan lang pwedeng kainin o gamitin ang isang produkto.
At dahil 2016 pa ang nasabing patakaran, umaasa ang FDA na napaghandaan na ng mga manufacturer ang gagawin nilang paghihigpit.