ABANDONADONG BAHAY, NASUNOG SA AURORA, ISABELA

Cauayan City, Isabela- Wala pang pinal na nakikitang sanhi ang Bureau of Fire Protection (BFP) Aurora sa nangyaring sunog sa isang abandonadong bahay sa Poblacion area ng Aurora, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay FO3 Jollee-B Baturi, Chief Incharge ng BFP Aurora, kasalukuyan pa ang kanilang ginagawang imbestigasyon para matukoy ang talagang pinagmulan ng sunog.

Pasado alas 3:00 ng hapon nitong Sabado, June 18, 2022, nakita ng isang traysikel driver na umuusok ang ikalawang palapag ng nasabing gusali na agad namang naisumbong sa BFP Aurora.

Kumalat ang sunog sa ikatlong palapag ng abandonadong bahay kung saan nasunog ang dalawang room sa third floor at bahagya lamang sa second floor.

Ayon kay FO3 Baturi, walang naiulat na nasaktan o casualty sa nangyaring sunog at wala ring mga gamit o bagay na nadamay sa sunog.

Naideklara namang fireout ang sunong dakong alas 3:45 ng hapon ng mga pinagsanib pwersa ng BFP Aurora, Cabatuan, Roxas at Burgos Police Station.

Ayon pa kay FO3 Baturi, ito palang ang unang insidente ng sunog na kanilang nirespondehan ngayong buwan ng Hunyo 2022.

Facebook Comments