Manila, Philippines – Muling nagtanggal ang pamunuan ng Metro Rail Transit (MRT-3) ng ilang tren sa kanilang mainline ngayong araw ito.
Paliwanag ni MRT-3 Media Relations Officer Aly Narvaez, apat na tren ang inalis sa magkakahiwalay na insidente ng aberya magmula kaninang alas-otso ng umaga hanggang pasado alas-diyes bagamat hindi ito nakapagtala ng ‘unloading incidents’.
Lahat aniya ng problemang teknikal ay dahil sa ‘electrical failure’ sa motor ng bagon kaya’t minabuting dalhin sa kanilang depot para kumpunihin.
Sa mga oras na ito, mayroon lamang na walong running trains ang MRT kaya’t pinaghahanda ulit ang mga commuters sa nabawasang biyahe.
Noong nakaraang linggo, nabulaga ang maraming mananakay ng train line sa mahabang pila at tambak na pasahero sa mga istasyon dahil karamihan sa tren ng MRT ay under maintenance.
Sinundan pa ito ng serye ng mga aberya na dumating pa sa punto kung saan pinababa at pinaglakad sa riles ang mga sakay ng tren na nasira’t umusok sa pagitan ng GMA-Kamuning at Araneta Center-Cubao Stations.
Kasunod nito, naglabas ng statement ang Department of Transportation (DOTr) at nangako sa publiko na simula Pebrero ay aasahan ang unti-unting improvement sa operasyon ng MRT sa pagdating ng mga bagong biniling piyesa ng bagon.