ABOGADO NG SAN JOSE DEL MONTE ,NILINAW ANG MGA ‘MALING ALEGASYON’ NG MUZON BRGY. CAPTAIN

 

 

SINUPALPAL ng legal office ng City of San Jose del Monte in Bulacan ang mga maling pahayag at akusasyon ng barangay captain ng Muzon ukol sa pagtatayo ng sementeryo sa barangay at ibang walang basehang isyu na kanyang binuksan.
Kamakailan ay inakusahan ni Kapitan Marciano Gatchalian ng Bgy. Muzon ng San Jose del Monte si Mayor Arthur Robes ukol sa pagpapatigil ng pagtatayo ng sementeryo at paglalagay ng streetlights na mga proyekto ng barangay sa programang “Rektang Konek Aksyon Agad” noong Pebrero 19.
Sinabi ni Gatchalian na ang Sangguniang Barangay ng Muzon ay umutang ng P80 milyon mula sa Development Bank of the Philippines (DBP) para sa pagpapatayo ng sementeryo (P40 milyon) at paglalagay ng streetlights (P40 milyon).
Ngunit ayon kay Atty Elmer Galicia, City Legal Officer
ng City of San José del Monte, Bulacan ang nasabing planong pagtatayo ng sementeryo sa Muzon ay hindi pinayagan ng city government dahil hindi ito nakasunod sa ilang regulasyon tulad ng makitid na right of way.
“May programa ang city government sa pagtatayo ng pampublikong sementeryo at may pondo rin ito,” paliwanag niya.
Aniya, ang pagtatayo ng sementeryo sa Muzon ay hindi saklaw sa mga proyekto sa ilalim ng barangay kung kayat naglabas ang SJDM ng cease and desist order.
“Kung hindi pumasa sa preliminary assessment, katungkulan ng siyudad na ipatigil ang pagtatayo. Ang bawat proyekto ay dapat sumunod sa regulasyon,” wika niya.
Ayon kay Galicia, walang kapangyarihan ang Bgy. Muzon na magtayo ng sementeryo hanggant walang pahintulot ng lokal na pamahalaan.
Aniya, ang pagtatayo ng walang permiso ay paglabag sa batas at maaaring maging basehan ng pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo.
Nilinaw din niya na ang planong paghahati ng Bgy. Muzon ay naaayon sa Local Government Code of 1991 na nagsasabing ang isang barangay ay maaaring mabuo kung may 2,000 na populasyon. Ang Muzon ay may populasyon na 106,603 batay sa 2015 na datos.
Mas makakabuti aniya sa mga residente ng Muzon kung mahahati ang barangay dahil mas maraming pondo ang mailalaan sa mahahating barangay kaysa kung iisa lamang ito.
“Hindi konektado ang planong paghahati sa Muzon sa pagpapatigil sa proyektong sementeryo ni Gatchalian,” ayon kay Galicia.
Sa usapin ng streetlights, sinabi ni Galicia na masyadong mahaba ang 15 years na loan payment scheme dahil ang lifespan ng solar-powered ay below 10 years kung kayat lugi ang lokal na pamahalaan sa sistemang gustong mangyari ni Gatchalian.

Facebook Comments