Cauayan City, Isabela – Naniniwala si Atty. Beng Sardillo na hindi matatapos agad ang recount na ginagawa ng Presidential Electoral Tribunal o PET.
Ang recount ay kaugnay sa election protest ni dating Senator “Bongbong” Marcos na kung saan ay kanyang sinabi na nadaya siya sa nakalipas na eleksyon.
Sa naging panayam ng RMN Cauayan sa programang Straight To The Point kay Atty. Beng Sardillo na abogado ni Vice President Robredo, sinabi niya na sa tatlong pilot areas na mga lalawigan ng Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental ay maaring matagalan ang recount.
Ipinaliwanang pa ni Atty. Sardillo na sa dalawamput limang probinsya na prinotesta ni Marcos ay pinagpili siya ng Presidential Electoral Tribunal ng tatlong probinsya bilang pilot area sa recount.
Kinakailangan umano na may maipakitang ebidensya si Marcos sa tatlong probinsya bago bilangin ang mga balota sa natitirang dalawamput dalawang probinsya.
At kung walang ebidensya si Marcos na nadaya sya sa tatlong pilot provinces sa nakaraang eleksyon ay madidismiss lamang ang protesta.
Positibo naman si Atty Sardillo na matatapos agad ang election protest kapag mapatunayan ng kanilang kampo na walang nangyaring kabalbalan sa tatlong pilot provinces.
Pero kapag kinakailangang bilangin ang mga boto sa 25 probinsiya na pinoprotesta ng dating senador at 13 probinsiya sa counter protest ni VP Robredo ay maaring hindi matatapos ang recount sa loob ng anim na taong termino ng bise presidente ng bansa.