Saturday, January 24, 2026

Abogado ni Zaldy Co, itinanggi ang umano’y “feelers” sa gobyerno sa pamamagitan ng mga pari

Mariing itinanggi ng abogado ni dating Congressman Zaldy Co ang alegasyong nagpapadala umano ang kanyang kliyente ng mga “feelers” sa pamahalaan sa pamamagitan ng ilang pari.

Ayon kay Atty. Ruy Rondain, wala umanong anumang hakbang ang kanilang kampo upang makipag-ugnayan sa gobyerno, at walang pari na ipinadala para sa anumang uri ng pakikipag-usap o pakikipag-dayalogo.

Giit ni Rondain, siya lamang ang awtorisadong magsalita para sa nagbitiw na kongresista.

Dagdag pa ng abogado, maliban na lamang kung direktang nakausap ng mga nabanggit na pari si Zaldy Co, itinuturing niyang hindi awtorisado ang sinasabing mga “feelers.”

Matatandaang sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na umano’y nagpahatid ng “feelers” si Co sa Office of the Ombudsman upang makipag-usap kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon.

Si Zaldy Co ay nahaharap sa mga kasong malversation at graft kaugnay ng umano’y ₱289 milyong maanomalyang flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.

Facebook Comments