
Mariing itinanggi ng abogado ni dating Cong. Zaldy Co ang alegasyong nagpaparamdam umano ang kaniyang kliyente sa gobyerno sa pamamagitan ng ilang pari.
Ayon kay Atty. Ruy Rondain, walang ginawang anumang hakbang ang kanilang kampo at wala rin silang ipinadalang pari upang makipag-ugnayan sa pamahalaan.
Dagdag pa niya, siya lamang ang awtorisadong magsalita sa ngalan ng nagbitiw na kongresista.
Ani Rondain, maliban na lamang kung direktang nakausap ng mga pari si Co mismo, maituturing niyang hindi awtorisado ang mga tinatawag na “feelers.”
Matatandaang sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na may ipinadalang mga “feeler” si Co sa Office of the Ombudsman upang makipag-usap o makipagdayalogo.
Si Zaldy Co ay nahaharap sa mga kasong malversation at graft kaugnay ng umano’y ₱289 milyong maanomalyang flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.










