Bilang isang abogado ay naniniwala si Batangas Representative Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, na ang mga rebelasyon ng dalawang testigo na lumutang sa pagdinig ng quad committee ay maaring magpalakas sa kasong “crimes against humanity” laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Pahayag ito ni Luistro, makaraang ilahad ng dalawang preso sa imbestigasyon ng quad committee ang umano’y kaugnayan ni dating Pangulong Duterte sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa loob ng Davao Prison and Penal Farm noong 2016.
Paliwanag ni Luistro, lalabas ang “crimes against humanity” kung mapatutunayan na sistematiko ang pagpatay sa mga sibilyan sa ngalan ng war on drugs campaign ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay Luistro, malinaw sa testimonya ng mga testigo na sina Fernando “Andy” Magdadaro at Leopoldo Tan Jr. Na naisagawa ang “crime of murder” o planadong pagpaslang sa ilalim ng article 248 ng Revised Penal Code.
Binaggit ni Luistro na nagpatibay dito ang pagbibigay ng reward na milyong piso kapalit ng pagpatay at pangakong kalayaan para kina magdadaro at tan.