Abogadong nameke ng Court Order, pinatawan ng disbarment ng Korte Suprema

Sinimulan na ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng bagong Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA) na naging epektibo noong May 29.

Ito ay kaugnay sa parusang disbarment na ipinataw ng Korte Suprema laban sa isang abogado na nanloko ng kliyente matapos na dayain ang isang utos ng hukuman.

Sa 11-pahinang per curiam decision ng Supreme Court En Banc, tinanggal na bilang abogado si Atty. Ariel D. Maglalang.


Nag-ugat ang parusa kay Maglalang dahil sa gawa-gawang court order sa civil case noong August 2, 2006 kung saan pinalabas ng abogado na patay na ang mister ng kanyang kliyente.

Sa imbestigasyon ng SC, petition for nullity of marriage ang pinahahain ng kliyente ni Maglalang at hindi petition for presumptive death.

Pinalabas din ni Maglalang na ang petition ng kanyang kliyente ay nilitis at kinatigan ni Judge Ray Alan T. Drilon ng Regional Trial Court, Branch 41, Bacolod City.

Noong 2008, nakarating sa kaalaman ni Judge Drilon at Clerk of Court Atty. Corazon Romero ang naturang Forged Order kaya hiningi nila ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagresulta sa paghahain ng kasong administratibo laban kay Maglalang.

Facebook Comments