Kinatigan ng Court of Appeals (CA) ang parusang anim na buwang suspensyon ng Office of the Ombudsman laban kay Atty. Teodoro Jumamil, Board of Director (BOD) ng Development Bank of the Philippines (DBP).
Si Jumamil ay unang pinuna ng Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pag-akto nito sa dalawang posisyon sa Bureau of Customs (BOC) sa kabila ng siya ay BOD ng DBP.
Sa 16 na pahinang decision ni CA Special 3rd Division Associate Justice Japar Dimaampao, ibinasura nito ang inihaing instant petition for certiorari ni Atty. Jumamil dahil sa kawalan ng merito.
Ayon sa CA, malinaw sa mga documentary evidence na inihain ng Ombudsman na walang lawful or valid appointment si Atty. Jumamil para umakto ito bilang Customs Deputy Commissioner at bilang Acting Chief of Staff ng Office of the Commissioner ng BOC.
Si Atty. Jumamil ay una nang pinatawan ng Ombudsman ng guilty sa kasong serious dishonesty, grave misconduct and conduct prejudicial to the best interest of the service dahil sa pagsisinungaling nito sa kanyang paghawak ng maraming posisyon sa gobyerno.