ABOT 40 ALAGANG BAKA, NAKAHARANG SA DAAN SA BRGY. LIBSONG EAST, LINGAYEN

Nananawagan ang barangay council ng Libsong East, Lingayen sa responsableng pangangalaga sa mga alagang baka na nakaharang sa kahabaan ng Bagong Daan malapit sa airport.
Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Brgy. Kagawad Sally Fernandez, hindi pa rin natatauhan ang ilang may-ari kahit pa magpataw ng multa at hulihin ang mga baka upang tubusin ng may-ari.
May isang insidente na rin umano na kinatay sa daan ang baka at ipinuslit sa bahaging walang CCTV kaya hindi natukoy ang may gawa.
Minsan din umano ay umaabot sa 40 na pamilya ng baka ang nandoon sa lugar at hindi pa nakatali ang ilan.
Bukod dito, napupuno din umano ng dumi ng mga hayop ang kalsada.
Ilang residente ang nagpost online dahil sa perwisyong dulot ng mga baka na mistulang naging bahay ang kalsada at posible pang maging sanhi ng aksidente.
Sa huli, iginiit ng opisyal ang responsible ownership sa mga may-ari ng baka bilang pinagkukunan ng kabuhayan at pagtitiyak sa kapakanan ng mga alagang hayop. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments