ABOT 5,000 APEKTADONG PAMILYA SA CALASIAO, NAHATIRAN NG TULONG

Agarang naghatid ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Calasiao katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 1 sa mga evacuation centers at barangay sa bayan, sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga family food packs.

Batay sa datos ng DSWD, nasa 4,980 pamilya o katumbas ng 17,718 indibidwal ang naapektuhan sa Calasiao. Itinuturing ang bayan bilang pinakaapektado sa ikatlong distrito dahil sa epekto ng Bagyong Nando at Habagat na nagdulot ng malawakang pagbaha.

Sa ilang lugar, umabot hanggang lagpas-tao ang baha, habang sa mismong kabayanan ay hanggang tuhod naman. Ilang pangunahing kalsada rin ang pansamantalang hindi madaanan sa loob ng ilang araw.

Noong Biyernes, bahagyang nagdulot ng pagbaha sa mga barangay San Vicente at Banaoang ang pagkabuwal ng isang bahagi ng dike.

Sa kasalukuyan, humupa na ang tubig sa ilang pangunahing lansangan, subalit nananatili pa rin ang pagbaha sa ilang sitio at iba pang bahagi ng bayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments