Iginiit ni Senator Grace Poe sa national at local government, katuwang ang pribadong sektor, na palawakin pa ang testing at vaccination sites sa mga strategic na lugar kung saan kadalasang nagtutungo ang mga tao.
Pangunahing tinukoy ni Poe na dapat lagyan ng testing at vaccination sites ang mga malls, transportation terminals, drug stores, supermarkets o maging sa mga lokasyon ng trabaho.
Paliwanag ni Poe, bagama’t nananatiling bukas ang mega-vaccination sites ang pagtatayo ng micro-sites sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay magbibigay rin ng kagaanan sa ating mga kababayan.
Binanggit ni Poe na ang testing naman ay nagiging daan rin para masawata ang pagkalat ng virus dahil ang mga tao ay mananatili sa kanilang tahanan.
Ikinatwiran ni Poe na meron man o walang sintomas, ang ating mga kababayan ay dapat mabigyan ng karapatang makapagpa-test nang hindi kinakailangang gumastos o mapuwersang mangutang para dito.
Diin ni Poe, kung mas malawak ang mababakunahan at masusuri ay mas marami ang mailiigtas na buhay at mas maiibsan ang latay ng pandemya sa ating bayan.