Naghahanap na ng paraan ang Department of Tourism (DOT) para mapababa ang halaga ng domestic travel, lalo na ang halaga ng COVID-19 testing na requirement bago magtungo sa mga tourist destinations.
Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, nais nilang gawing abot-kaya ang pagbiyahe.
Sinabi rin ng kalihim na nag-iingat din sila at ayaw nilang magkaroon muli ng virus outbreak.
Hinihintay na lamang nila ang resulta ng nagpapatuloy na rapid antigen pilot testing na isinasagawa sa Baguio City sa ilalim ng pamamahala ng lokal na pamahalaan at ng Department of Health (DOH).
Ang pilot testing ay nasa 50% na ang progreso.
Dagdag pa ng kalihim, sinisilip na rin nila ang posibilidad na magsagawa ng pilot trial ng saliva test na isa sa pinakamura at mabilis na alternatibo sa pag-detect ng Coronavirus.
Ipinauubaya ng DOT sa mga Local Government Units kung kakayanin na nilang mabukas para sa mga turista habang magbibigay ang ahensya sa kanila ng mga apps at training para sa health at safety protocols para sa tourism workers.
Sa kasalukuyan, ang mga biyahero ay kailangang magpakita ng negatibong RT-PCR test results bago payagang makapasok sa major tourist destinations tulad ng Boracay, Baguio at El Nido.
Ang RT-PCR ay nagkakahalaga ng nasa ₱4,000 at ₱12,000 at ikinokonsiderang ‘gold standard’ sa COVID-19 testing.