ABRA BOMBING INCIDENT | Isa sa mga nasawing pulis, Mamasapano operation survivor – PNP

Abra, Philippines – Nakaligtas man sa madugong operation sa Mamasapano, Maguindanao tatlong taon ang nakakalipas, nasawi naman sa nangyaring pagsabog sa lalawigan ng Abra kaninang madaling araw ang pulis na si PO3 Carlos Bocaig.

Ito ang kinumpirma ni Police Director Noli Talino, ang hepe ng PNP Special Action Force.

Aniya una nang nabigyan ng parangal ang nasawing si Bocaig dahil kabilang ito sa Oplan Exodus, ang grupo ng PNP SAF na nag-operate para madakip at mapatay ang Malaysian terrorist at bomb expert na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.


Sa ngayon aniya ay hindi na miyembro ng PNP-SAF si Bocaig kaya kung bibigyan ng parangal ang nasawing pulis ibibigay ito ng Abra Police Provincial Office sa kanyang pamilya.

Matatandaang nagsilbing gunner sa 13-man assault team sa pag-atake sa tinutuluyan ni Marwan sa Barangay Pidsandawan si PO3 Bocaig.

Nasawi kaninang madaling araw si Bocaig nang hagisan ng granada ng hindi pa nakikilalang grupo ang isang plaza sa La Paz, Abra habang nagdiriwang ng piyesta.

Facebook Comments