Humarap na ngayon sa joint virtual hearing ng House Committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability si ABS-CBN Chairman Emeritus Gabby Lopez III para sa pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN Corporation at para sagutin ang isyu nito sa citizenship.
Sa pagtatanong ni Drivers United for Mass Progress and Equal Rights – Philippines Taxi Drivers Association (DUMPER-PTDA) Representative Claudine Diana Bautista, inamin ni Lopez na US passport ang ginagamit niya sa pagbiyahe bago pa man siya mag-apply ng petition para kilalanin ang kanyang Filipino citizenship noong 2001.
Sinabi din ni Lopez na bumoto siya sa Estados Unidos noong 2016 at sa Amerika din nagtapos ng kolehiyo at master’s degree.
Pero, nanindigan ito sa pagiging Pilipino dahil ang mga magulang nito ay mga Pilipino sa ilalim ng jus sanguinis o pagiging citizen by blood relation.
Depensa pa nito, hindi rin naging isyu sa management ng ABS-CBN ang kanyang citizenship noong ito pa ang namamahala sa ABS-CBN.
Sinabi naman ng abogado ni Lopez na si Atty. Ayo Bautista na ang petition na ini-apply noon ng kanyang kliyente sa Department of Justice (DOJ) at Bureau of Immigration (BI) ay recognition o pagkilala lamang na siya ay isa ring Pilipino mula pagkapanganak at hindi pag-acquire ng Filipino citizenship.
Sinuportahan naman ito ni Albay Representative Edcel Lagman, na sa ilalim ng 1935, 1973 at 1987 Constitution ay kinikilala ang pagiging Pilipino batay sa lahi at dugo sa ilalim ng jus sanguinis.
Sinabi naman ni Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez, kung hindi naman ni-renounce ni Lopez ang pagiging Pilipino nito mula noon ay malinaw na isa nga siyang Pilipino at hindi na dapat gawing isyu ito.