Ikinalugod ng ABS-CBN ang pag-apruba ng House Committee of the Whole sa panukalang batas na magbibigay sa kanila ng provisional franchise hanggang Oktubre ngayong taon.
Ang House Bill 6732 ay authored ni House Speaker Alan Peter Cayetano, at sponsored din ni Cayetano at ni Deputy Speaker Dan Fernandez.
Sa statement, nagpapasalamat ang ABS-CBN sa mga lider ng Kamara sa pagsusulong ng panukala na pinangungunahan nina Speaker Cayetano at House Majority Leader Martin Romualdez sa pagkilala sa kanilang papel sa paghahatid ng balita, impormasyon, entertainment, at public service.
Handa rin ang ABS-CBN na makipagtulungan sa pagproseso ng prangkisa at sasagutin nila ang lahat ng isyung ibinabato laban sa network, sa mga may-ari, sa pamunuan, at sa mga empleyado.
Nananatiling bukas ang network sa anumang opinyon at suhestyon sa kung paano pa nila mapapabuti ang kanilang organisasyon at makapagsilbi pa ng lubos sa mga Pilipino.
Matatandaang nahinto ang operasyon ng ABS-CBN noong May 5 matapos silang patawan ng cease and desist order ng National Telecommunications Commission (NTC) dahil sa pagkakapaso ng kanilang legislative franchise noong May 4.