ABS-CBN, hindi dapat bigyan ng lisensya hanggang hindi nababayaran ang buwis – Pangulong Duterte

Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa National Telecommunications Commission (NTC) na huwag ipagkaloob sa ABS-CBN Broadcasting Corporation ang license to operate kahit mabigyan pa sila ng prangkisa.

Ito ang pahayag ng Pangulong hanggang hindi nababayaran ng media conglomerate ang buwis.

Sa kanyang Talk to the Nation Address, sinabi ni Pangulong Duterte na wala sa kanyang problema na bigyan ng Kongreso ang ABS-CBN ng prangkisa dahil bahagi ito ng kanilang tungkulin.


“Congress is planning to restore the franchise of the Lopez. Wala akong problema doon kung i-restore ninyo. Kung ibigay ninyo yung franchise because it is within your power to do it, go ahead,” dagdag ng Pangulo.

Pero sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya hahayaan ang NTC na bigyan ang ABS-CBN ng lisensya kung hindi nagbabayad ng tamang buwis ang kumpanya.

“If you say that they can operate kung meron na sila, no. I will not allow them. I will not allow the NTC to grant them the permit to operate,” sabi ng Pangulo.

Pagbubunyag pa ng Pangulo, pinalampas lamang ng Development Bank of the Philippines (DBP) ang nasa ₱1.6 billion na utang ng Pamilya Lopez noong 2006, bagay na itinanggi ng DBP noong nakaraang buwan.

Idudulog ng Pangulo ang impormasyong ito sa Ombudsman.

“Para sa akin ang Ombudsman ang pinaka-independent body na mag-solve nito. Gusto ko lang magbigay sa kanila kasi pera ito ng tao,” sabi ng Pangulo.

Matatandaang napaso ang prangkisa ng ABS-CBN noong Hulyo ng nakaraang taon.

Sa ngayon, isinisulong muli sa Kamara at Senado ang panukalang batas na layong bigyan ng 25-year franchise ang ABS-CBN.

Facebook Comments