ABS-CBN, inaalok na ibenta na lamang ang kanilang network

Inuudyukan ni House Deputy Speaker Luis Raymund Villafuerte ang pamilya Lopez na ipagbili na lamang ang ABS-CBN.

Iminungkahi ito ni Villafuerte para na rin sa kapakanan ng mahigit 11,000 empleyado nila na sinasabing mawawalan ng trabaho makaraang hindi mabigyan ng bagong prangkisa ang network.

Sinabi rin mismo ng kongresista sa kanyang TV interview na kumita naman na ng bilyones ang mga Lopez at mayroon pa naman silang ibang kumpanya.


Katwiran ni Villafuerte, kaya namang patakbuhin ng ibang malalaking korporasyon ang ABS-CBN at tiniyak nito na susuportahan niya ang franchise renewal ng istasyon sa ilalim ng bagong pamunuan at may-ari.

Babala pa ng deputy speaker, baka maulit lang ang nangyari ngayon sakaling mag-apply muli ng prangkisa ang giant network pagsapit ng 2022 sa ilalim ng parehong may-ari.

Isa si Villafuerte sa 70 kongresista na bumoto para mabasura ang franchise renewal ng ABS-CBN.

Facebook Comments