ABS-CBN, ipinahinto na ang digital transmission ng Channel 43

Tumalima na ang ABS-CBN Corporation sa kautusan ng National Telecommunications Commission (NTC) na ihinto ang operasyon at pagsasahimpapawid ng Channel 43 na ginagamit para i-ere ang mga programa ng network.

Sa statement, natanggap na ng ABS-CBN ang alias cease and desist order na inilabas ng NTC na nagpapatigil sa digital TV transmission sa Metro Manila gamit ang Channel 43.

Nakasaad sa May 5, 2020 order laban sa ABS-CBN na nagpapahinto sa radio at TV operations nito, sinabi ng NTC na ang naunang cease and desist order ay sakop ang DTT o Digital Terrestrial Television transmission sa Metro Manila gamit ang Channel 43.


Mula nang mawala sa ere ang ABS-CBN, na-monitor ng NTC ang digital transmission sa Channel 43, kabilang din sa mga binabantayan ay ang mga programa sa Cine Mo!, Yey!, DZMM Teleradyo, at Kapamilya Box Office o KBO.

Iginiit ng network na bagama’t hindi na nabanggit ang Channel 43 sa cease and desist order ng NTC nitong Mayo, ipinahinto na nila ang operasyon nito kagabi, June 30.

Ibig sabihin, ang mga mayroong TV Plus sa Metro Manila ay hindi na mapapanood ang Teleradyo, Jeepney TV, Yey!, Asianovela Channel, CineMo, at KBO.

Sa ngayon, ang ABS-CBN ay mayroong nakabinbing petisyon sa Korte Suprema kung saan kinukuwestyon nito ang naunang kautusan ng NTC at umaasang mareresolba agad ito sa lalong madaling panahon pabor sa kanila upang makapagbalik operasyon muli sila sa analog at digital platforms.

Facebook Comments