Nilinaw ng kampo ng ABS-CBN na walang kinalaman sa ABS-CBN Broadcasting ang Philippine Depositary Receipts (PDRs) ng kumpanya.
Sa ika-limang pagdinig ng Committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability, ipinaliwanag ng counsel ng giant network na si Atty. Cynthia Del Castillo na ang mga dayuhang investors sa PDRs ng kumpanya ay sa ABS-CBN Holdings lamang at wala itong kinalaman sa ABS-CBN Broadcasting.
Paliwanag ni Del Castillo, magkaiba ang dalawa dahil ang ABS-CBN Holdings ay ’financial instrument’ at hindi maituturing na ‘shares’ habang ang ABS-CBN Broadcasting naman ay sa mass media lamang.
Bukod dito, ang ‘rights’ ng PDR holders ay para lamang din sa ABS-CBN Holdings at hindi ito nangangahulugan na may karapatan o pwedeng manghimasok sa pagmamay-ari at pamamahala sa broadcasting network.
Iginiit pa ng abogado na kinikilala ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang pagkakaroon ng PDRs ng kumpanya matapos nitong aprubahan ang registration ng ABS-CBN Holdings at ng ABS-CBN Broadcasting shares.