ABS-CBN, posibleng magbawas ng empleyado dahil sa “financial hemorrhage”

Hinimok ng ABS-CBN ang Korte Suprema na ihinto ang pagpapatupad ng kautusang nagpapahinto sa kanilang broadcast operations.

Kahapon, naghain ang ABS-CBN ng urgent reiterative motion upang igiit ang kanilang apela sa kataas-taasang hukuman na maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa cease and desist order ng National Telecommunications Commission (NTC).

Iginiit ng network na nalulugi na sila ng nasa 30 hanggang 35 million pesos na advertising revenues.


Kapag nagpatuloy anila ito, mapipilitan ang network na magbawas ng manggagawa, liitan ang sahod at benepisyo, at tapyasin ang kanilang mga gastos.

Muling binigyang diin ng ABS-CBN na ang cease and desist order ay pagharang sa pagbibigay ng information at entertainment sa kanilang mga manonood at paghingi ng donasyon para sa kanilang relief operations.

Ipinunto rin ng ABS-CBN na mababawasan ang kompetisyon sa broadcast industry.

May negatibong epeko rin sa Freedom of Speech and of the Press ang nasabing kautusan.

Kinontra naman ni Atty. Larry Gadon ang petisyon ng ABS-CBN sa pamamagitan ng paghain ng mosyon, kung saan hindi maaaring dumiretso agad ang network sa Korte Suprema.

Sinabi ni Gadon na ang Court of Appeals ay may jurisdiction sa nasabing kaso.

Dagdag pa niya, hindi na maaaring mag-avail ng TRO ang ABS-CBN dahil tumalima na sila sa kautusan ng NTC.

Facebook Comments