Iaakyat ni Deputy Speaker at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza sa Korte Suprema ang isinusulong na absolute divorce bill sa Kamara.
Kasabay nito ay kinukundena ng kongresista ang umano’y “railroading” sa pagkakaapruba ng House Committee on Population and Family Relations sa substitute bill para sa absolute divorce bill.
Hindi man lamang aniya inimbitahan sa pagdinig ang mga malalaking pamilyang organisasyon para depensahan sana ang sanctity o pagkasagrado ng kasal.
Giit ni Atienza, ang ginawa ng komite ay direktang paglabag sa Konstitusyon partikular sa Article 2, Section 12 na kumikilala sa pagkasagrado ng isang pamilya at sa Article 15 na kumikilala na ang pamilyang Pilipino ay isang matibay na pundasyon ng bansa.
Tinukoy ni Atienza na ang kasal na isang banal na social institution at siyang pundasyon ng pamilya ay dapat pinoprotektahan ng estado.
Dahil dito, iginiit ni Atienza na hahamunin nila hanggang sa Supreme Court kung kinakailangan ang panukala na nagbabalik ng diborsyo sa bansa at nakatitiyak ang mambabatas na ito ay maidedeklarang “unconstitutional” sa huli.