Ikinadismaya ng husto ng mga taga-oposisyon sa Kamara ang pagkakaloob ni Pangulong Rodrigo Duterte ng ‘absolute pardon’ kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Giit ni ACT Teachers Representative France Castro, nakagagalit dahil hindi na nabigyan ng tunay na hustisya ang pamilya ng pinaslang na si Jenniffer Laude.
Malinaw aniyang paglapastangan sa dignidad at soberenya ng bansa ang pagpapawalang-sala ng Pangulo kay Pemberton.
Naniniwala naman si Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat na ang naunsyaming paglaya ni Pemberton gamit ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) at biglang pagbibigay ng ‘absolute pardon’ dito ay pagpapakita na tuluyang inilantad ni Pangulong Duterte na siya ay sunud-sunuran sa Amerika.
Marami aniyang mga political prisoners ang hindi napapalaya sa kabila ng mga gawa-gawang kaso gayong inuuna pa ang paglaya ng isang sundalong Amerikano na pumatay ng Pilipino.
Binigyang-diin naman ni Albay Rep. Edcel Lagman na dapat ay ikinunsidera muna ng Pangulo ang sentimyento ng pamilyang Laude gayundin ang mga tumutuligsa laban sa premature release kay Pemberton.