Manila, Philippines – Binigyang diin ng Palasyo ng Malacañang na hindi kinukunsinte ng administrasyon ang walang habas na pagpatay sa mga drug suspects sa bansa.
Ito ang sinabi ng Malacañang sa harap na rin ng lumabas sa balita kung saan makikita umano na hindi naman nanlaban ang ilang drug suspects nang barilin at mapatay ng mga pulis sa Tondo, Manila.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, ang posisyon ng Malacañang ay hindi nito kinukunsinte ang police violence, police brutality at pagpatay.
Tiniyak din ng Malacañang na dumadaan na sa authentication ang lumabas na video at iniimbestigahan na ang nasabing insidente.
Matatandaan na mismong si Pangulong Duterte ay sinabi na gusto na niyang ibalik sa PNP ang war on illegal drugs mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) pero hanggang sa ngayon naman ay wala pang inilalabas na kautusan ang Pangulo para ito ay pormal nang maipatupad.