Iginiit ng Department of Education (DepEd) na walang basehan ang panawagang “academic freeze” sa mga lugar na matinding sinalanta ng kalamidad.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DepEd Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio na hindi na ito dapat ipinapanawagan dahil nagsususpinde naman talaga sila ng klase kapag may bagyo.
May mga rules and guidelines din ang kagawaran para matiyak na hindi mapapahamak ang mga guro at estudyante tuwing may sakuna.
“Nangyayari na po yan ngayon, so yung panawagan parang wala nang basehan kasi talaga naman po kapag nagkakaroon ng sakuna, nasu-suspend ang klase at may authority dyan ang mga local government. Hindi naman po dapat ganon kasi hindi naman po pare-parehas ang sitwasyon sa mga lugar,” giit ng DepEd official sa interview ng RMN Manila.
Samantala, ipinunto rin ni San Antonio na una na silang nagpalabas ng memorandum para sa pagpapatupad ng “academic ease” kahit wala pang bagyo.
Ito ay matapos na maobserbahan ng DepEd sa mga unang linggo ng pasukan na masyadong “overwhelming” ang requirements.
Sa ilalim ng academic ease, binibigyan ng sapat na panahon ang mga mag-aaral na makapagsumite ng kanilang requirements.
Una nang ibinasura ng Commission on Higher Education (CHED) ang panawagang “academic freeze” sa buong bansa o sa Luzon dahil sa sunod-sunod na pananalasa ng mga bagyo.