ACCESS ROAD PATUNGO SA KAIKANAN FALLS SA SAN JUAN, LA UNION, PORMAL NANG BINUKSAN

Opisyal nang binuksan sa publiko ang bagong access road patungo sa Kaikanan Falls na matatagpuan sa Barangay San Felipe, San Juan, La Union.

Ang proyektong ito ay bahagi ng Tourism Road Infrastructure Program (TRIP) ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 1 na naglalayong isulong ang lokal na turismo sa rehiyon.

Ang naturang kalsada, na may lapad na 6.10 metro, ay nagkakahalaga ng ₱19,299,614.26. Sinimulan ang konstruksyon noong Pebrero 6 ng kasalukuyang taon at matagumpay itong natapos noong Setyembre 4.

Samantala, umaasa ang mga residente ng Barangay San Felipe na mas marami pang turista ang dadayo sa lugar na makakatulong upang mapalago ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng mga negosyo tulad ng souvenir shops at pagkain.

Ang Kaikanan Falls ay kilala sa mala-paraisong tanawin nito at malamig na tubig, na ginagawa itong isa sa mga pangunahing destinasyon ng eco-tourism sa La Union. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments