
Pinalilimitahan ni Senator Risa Hontiveros ang access sa mga online gambling sa bansa.
Tinukoy ni Hontiveros na masyado nang madali ang malulong sa sugal dahil napaka-accessible na nito sa e-wallets at super apps kung saan marami rin sa mga kababayan ang baon sa patong-patong na utang.
Sa unnumbered bill na inihain ng senadora, pinare-regulate dito ang accessibility ng online gambling kung saan ipagbabawal na ang direktang link ng e-wallets at super apps sa online gambling platforms.
Tanging mga 21 taong gulang pataas lang ang papayagan na mag-register at mag-participate sa online gambling platforms kung saan ipaglalatag ang mga licensed online gambling operator na magpatupad ng epektibong age verification protocols para matiyak na walang mas mababa sa 21 anyos ang makaka-access sa online gamings.
Pinagtatakda rin ang lahat ng licensed online gambling operators na magpatupad ng maximum limits sa halagang maaaring ipusta o itaya kung saan kapag naabot na ng player ang limit ay otomatikong suspended ang account nito sa pag-access sa online gambling services sa minimum na 30 araw.
Ilalaan naman ang 10 percent na kita ng online gambling sa gamutan at rehabilitasyon para sa mga nalulong sa online sugal, sa public education campaigns laban sa gambling, monitoring at enforcement programs at research at policy evaluation.









