Nakiusap si Vice President Leni Robredo sa pamahalaan na mabigyan siya ng access sa vaccine supply ng bansa.
Ito ay matapos purihin ng Malacañang ang kanyang inisyatibo na ipaabot ang mga bakuna sa mas nakararaming tao sa pamamagitan ng kanyang drive-through program.
Matatandaang inilunsad ng Office of the Vice President (OVP) ang Vaccine Express drive-through vaccination program sa Lungsod ng Manila katuwang ang lokal na pamahalaan.
Nasa higit 4,500 tricycle at pedicab drivers, at delivery rider ang nabakunahan sa programa.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na isa sa problema ng Vaccine Express project ay access sa vaccine doses.
Aniya, kung wala silang vaccine supply ay hindi nila magagawa ang programa.
Sinabi ni Robredo na magkakaroon ng ikalawang bahagi ang programa kung saan target na mabakunahan ang mga vendor.
Iginiit ni Robredo na kapag walang access sa bakuna, ang kakayahan lamang nila ay mag-deploy ng vaccinators at iba pang logistical needs.
Handa silang umalalay sa mga lokal na pamahalaan basta mabibigyan sila ng vaccine supply.