Iginiit nina Senator Grace Poe at Francis Kiko Pangilinan na busisiin muna ang pondo sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 bago isulong ang Bayanihan 3.
Ipinaliwanag ni Poe na mahalagang makita kung mayroong savings o deficit sa P148 bilyon na pondo sa Bayanihan 2 na ang bisa ay pinalawig hanggang June 30.
Nais din ni Poe na maging malinaw kung saan kukunin ang gagamiting pondo sa Bayanihan 3 lalo’t baon na sa utang ang gobyerno.
Sabi naman ni Senator Pangilinan, bago gumawa ng panibagong batas pantugon sa pandemya ay dapat lubusin muna ang pagpapatupad sa Bayanihan 2 na mayroon pang underspending o pondong hindi nagagamit.
Inihalimbawa ni Pangilinan ang P24 bilyon na inilaan sa Department of Agriculture (DA) na 25% pa lang ang nagagastos.
Dahil dito ay kinakalampag ni Pangilinan ang Ehekutibo para ipalabas at gamitin na ang lahat ng pondong natitira na para sa mga proyekto sa ilalim ng Bayanihan 2.
Diin ni Pangilinan, kailangan ito para makalikha ng trabaho at makatulong sa pagpapasigla ng ekonomiya.