Mayroon ng 28 lisensyadong laboratoryo na nakakapagsagawa ng Coronavirus Disease test sa buong bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, naitayo na ang RT-PCR Laboratory sa Asian Hospital and Medical Center at Allegiant Regional Care Hospital.
Aniya, inaantabayan pa ang apat pang laboratoryo na nasa stage 4 na at ang 64 iba pa na nasa stage 3.
Bukod dito, sinabi ni Vergeire, na mayroon pang 90 laboratory application na dumadaan sa proseso para maging lisensyado COVID-19 test facilities.
Ang nasabing mga laboratoryo ay makakatulong aniya sa testing capacity ng bansa laban sa COVID-19.
Nabigyan na rin ng accreditation ang dalawang GeneXpert Laboratories, isa sa Lung Center of the Philippines at ang isa naman ay sa Zamboanga City Medical Center.
Sa ngayon, nasa 166,473 ang sumailalim sa COVID-19 test, 90.4% ang nagnegatibo habang 9.3% ang positibo.
Sa huling datos ng DOH, nasa 11,350 na ang kaso ng COVID-19 sa bansa, 2,106 ang gumaling habang 751 ang namatay.