Manila, Philippines – Hinamon ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) na kasuhan si CPP Founding Chair Jose Maria Sison.
Ito ay sa halip na ipursige ng mga ito ang Motion for Reconsideration (MR) na inihain ng ACT sa korte na umaapela sa pagbasura ng kanilang reklamo laban sa umano’y ginawang “profiling” ng PNP sa grupo.
Tanong ng PNP Chief, bakit hindi si Joma Sison ang tuligsain nila, samantalang ito ang hayagang nagsabi sa isang campaign video na front organization ng CPP-NPA ang ACT.
Giit pa ng PNP Chief, hindi “profiling” ang kanilang ginawa laban sa ilang mga miyembro ng ACT, kundi bahagi ng intelligence gathering sa mga pinaghihinalaang supporters ng mga komunista.
Sinabi pa ng opisyal, mandato ng PNP na protektahan ang estado at mga mamamayan mula sa mga naglalayong pabagsakin ang pamahalaan.
Babala pa ng PNP Chief, maghintay lang ang mga naturang miyembro ng ACT at sila pa ang sasampahan ng PNP ng kaso sa oras na makalikom ng ebidensya laban sa kanila.