ACT Philippines, nanawagan ng “No Testing, No Back-to-Work” sa June 1

Hinihiling ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines sa pamahalaan na magsagawa muna ng mass testing para sa mga guro at non-teaching personnel sa buong bansa bago magbalik trabaho sa June 1, 2020.

Ayon kay ACT Philippines Secretary General Raymond Basilio, mahalaga ang mass testing dahil dito masisiguro na ligtas ang mga guro at mga mag-aaral kung sakaling matuloy ang pabubukas ng klase sa August 24, 2020 at pagbabalik sa paaralan ng mga guro sa susunod na buwan.

Dapat aniya kabilang sa mass testing ang mga mag-aaral, guro at non-teaching personnel na mayroong symptoms kaugnay sa COVID-19 at nagkaroon ng exposure sa lugar o tao na posibleng carrier ng virus.


Kasama rin ang wala nararamdamang sintomas pero na-expose sa virus at ‘yong mayroong COVID-19-like symptoms pero hindi naman na-expose sa mga lugar o taong maaaring may COVID-19.

Dagdag pa niya, dapat din ma-test ang mga gurong senior citizen at mga buntis.

Aniya, ang pagsimula ng school year ngayong taon na walang gagawing mass testing ay maaaring magdulot ng kapahamakan sa kalusugan ng mga guro, estudyante at ilan pang manggagawa sa mga pampublikong paaralan sa bansa.

Facebook Comments