Umaapela ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban na lang muna ang School Year 2020-2021.
Ayon kay ACT Philippines Secretary General Raymond Basilio, sa halip na magbukas ng klase ay gamitin na lamang muna ito sa pagbibigay solusyon sa mga problema na kinakaharap pagdating sa sistema ng edukasyon sa bansa bilang paghahanda na rin sa “new normal”.
Dagdag pa ni Basilio, ito ay upang matiyak din na ligtas ang mga mag-aaral at mga guro sa buong bansa laban sa banta na ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Hindi rin aniya sila kumbinsido na maaaring hindi na magkaroon ng physical reporting ang mga guro dahil hindi naman aniya lahat ng paaralan sa bansa ay mayroong tiyak na access sa internet partikular na sa mga malalayo at liblib na lugar.
Karamihan din umano sa kanila ay walang computer o laptop na ginagamit kaya naman imposible rin aniya ang pagsasagawa ng online enrollment.