ACT Teachers, itutuloy ang panawagan para sa mas mataas na dagdag na sahod

Iginiit ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na ipagpapatuloy nila ang pagkilos at panawagan para sa mas mataas na dagdag na sahod sa mga pampublikong guro sa buong bansa.

Kaugnay dito ay labis na ikinadismaya ni Castro ang pagmamaliit kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos ihayag na hindi ganoon kaimportante ang mga guro tulad ng mga pulis at sundalo.

Ayon kay Castro, ito marahil ang dahilan kaya napakabarat ng gobyerno pagdating sa pagbibigay ng umento sa sahod sa mga public school teachers.


Hindi na nagtataka pa ang kongresista sa napakabilis na pagbibigay ng dagdag na sahod sa mga pulis at mga sundalo pero ang mga guro ay kinailangan pang maghintay ng tatlong taon bago napagbigyan ang kakarampot na wage increase.

Ipinaalala ni Castro kay Pangulong Duterte ang kahalagahan ng mg guro sa nation building gayundin ang sobra-sobrang trabaho na ginagawa ng mga ito na dapat ay tungkulin na ng ibang ahensya ng pamahalaan.

Dahil dito ay iginiit ng mambabatas na hindi sila papayag na patuloy na itrato na maliit at hindi mahalaga ang mga guro at patuloy nilang igigiit ang nararapat na sahod para sa mga ito.

Facebook Comments