Kinastigo ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang paghingi ng Department of Education (DepEd) ng P150 million confidential funds para sa susunod na taon.
Ang naturang pondo umano ay gagamitin sa pagbabantay o surveillance sa mga estudyante at guro na hinihinala nilang may kaugnayan sa recruitment ng makakaliwa.
Kaya tanong ni Castro, ang DepEd ba ay isa nang police o military agency na nagsasagawa ng surveillance operations sa halip na atupagin ang pagresolba sa mga problema sa sektor ng edukasyon.
Bunsod nito ay ipinunto Castro na baka mas akmang tawagin ang DepEd bilang Department of Surveillance.
Kaugnay nito ay tiniyak ni Castro na kanilang isusulong na matanggalan ng confidential and intelligence funds ang DepEd at iba pang civilian agencies at ilipat ang pondo sa early child care development program.