Acting Prosecutor General Jorge Catalan, nag-inhibit na sa reklamong estafa laban sa isang Japanese gaming tycoon

Manila, Philippines – Dumistansya na si Acting Prosecutor General Jorge Catalan sa kasong estafa na inihain ng Tiger Resorts Leisure and Entertainment Incorporated laban kay Japanese gaming tycoon Kazuo Okada.

Kasunod ito ng mosyon ng Tiger Resorts laban kay Catalan na umuupo rin bilang Concurrent City Prosecutor ng Makati City para maiwasan na mabahiran ng pagdududa ang paghawak ng DOJ sa reklamo.

Nabatid na dati na kasing pinaburan ni Catalan bilang Makati City Prosecutor ang pagbasura sa tatlong counts ng perjury laban kina Okada at Takahiro Usui na kapwa respondents sa nasabing estafa cases na inihain sa Parañaque prosecutors’ office.


Sa kanyang liham kay Justice Secretary Menardo Guevarra, sinabi ni Catalan na hindi siya gagawa ng anumang hakbang kaugnay ng mga reklamo at hindi rin siya magrerekumenda ng sinumang prosecutor na magiging acting city prosecutor ng Paranaque na hahawak sa kaso

Ipinauubaya na aniya niya kay Guevarra ang pagpapalabas ng department order para sa pagtatalaga ng myembro ng National Prosecution Service na magpapatuloy ng preliminary investigation sa nasabing mga reklamo.

Una nang nananawagan ang Tiger Resorts kay Guevarra na pakinggan ang kanilang apela at panindigan ang pahayag nito na ibalik ang tiwala at kumpyansa ng publiko sa DOJ sa pamamagitan ng pagtiyak na magiging patas ang kagawaran sa paghawak sa lahat ng mga kaso.

Una nang umani ng batikos si Catalan nang kanyang aprubahan ang pagbasura ng unang panel ng DOJ sa reklamong may kinalaman sa iligal na droga na inihain ng PNP-CIDG laban kina Peter Lim, Peter Co at Kerwin Espinosa na kalaunan ay naging dahilan kaya napalitan sa pwesto si Dating DOJ Secretary Vitaliano Aguirre II.

Facebook Comments