Acting Transportation Sec. Lopez, inobligang mag-commute ang mga opisyal ng DOTr

Simula ngayong linggo, obligado nang mag-commute papuntang opisina ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr).

Sa inilabas na memorandum kanina, inatasan ni acting Transportation Secretary Giovanni Lopez ang mga opisyal ng road and rail sectors na gumamit ng pampublikong transportasyon at least isang beses kada linggo.

Ito ay para mas makita nila ang mga pangangailangan ng commuters.

Hinihimok din ni Lopez ang iba pang mga ibang opisyal ng ibang sektor na mag-commute rin papasok sa opisina para makita at madama nila ang hirap na nararanasan ng commuters.

Pinagsusumite rin ng report ni Lopez ang mga opisyal pagkatapos ng kanilang pagko-commute at magpasa ng mga rekomendasyon at action plan hinggil sa kung paano mapabubuti ang pampublikong transportasyon.

Kanina ay nag-commute rin si Sec. Lopez papuntang opisina sa kasagsagan ng rush hour.

Facebook Comments