Action plan laban sa COVID-19 waste pollution, ipinalalatag sa pamahalaan

Pinaglalatag ni Deputy Speaker Bernadette Herrera ng “action plan” ang gobyerno para tugunan ang problema sa lumalalang COVID-19 waste pollution.

Ang action plan ay naglalaman ng pinaigting na monitoring at enforcement activities ng mga kaukulang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Health (DOH), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Tinukoy ng Bagong Henerasyon Partylist representative na mayroong lumalaking concern sa “unprecedented” o biglaang pagtaas sa paggamit ng single-use plastics katulad ng surgical face masks, face shields at gloves mula ng magsimula ang pandemya.


Bukod aniya sa nakamamatay na respiratory disease, ay nagdala rin ang Coronavirus ng banta sa kalusugan ng mga tao lalo na ang microplastics mula sa mga PPEs na nakakapinsala sa kapaligiran.

Dahil dito ay kinakailangan na aniyang higpitan ng mga ahensya ang kanilang monitoring efforts upang matiyak ang tamang handling at disposal o pagtatapon ng COVID-19 waste na isa ng seryosong banta sa kalusugan at sa kapaligiran.

Pinakikilos naman ng mambabatas ang pamahalaan, Local Government Units (LGU), mga ospital at ang publiko na magkaisa sa proper waste management ng mga medical waste material.

Facebook Comments