Pumalo na sa 1,951 ang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Batay sa datos ng Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force, nadagdagan pa ng 282 ang kaso ng COVID-19 sa PNP kaya’t pumalo na sa 14,110 ang kabuuang kaso nito.
Ayon kay ASCOTF Commander at Deputy Chief PNP for Administration Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar, nalagpasan na nito ang active cases sa PNP na naitala noong Setyembre 12 ng nakalipas na taon.
Nangunguna ang National Operations Support Unit sa may pinakamataas na bilang ng bagong kaso na nasa 63 kung saan pinakamarami sa mga ito ang mula sa Special Action Force (SAF) na may 14.
Sinundan ito ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na may 38 bagong kaso, 17 naman sa National Administrative Support Unit, 13 sa Ilocos, walo sa Central Luzon, anim sa National Headquarters at nasa lima naman sa Calabarzon.
Tig-apat ang naitala sa MIMAROPA, Western Visayas at Cordillera, dalawa ang naitala sa Bicol habang tig-isa ang naitala sa Davao at at Caraga Region.
Kaugnay nito, nadagdagan naman ng 115 ang bagong gumaling sa sakit sa hanay ng PNP kaya’t sumampa na sa 12,123 ang total recoveries habang nakapako naman sa 36 ang nasawi dahil sa COVID-19.