Acute malnutrition, panganib na dala nito at paano ito maiiwasan, tinalakay sa programang Nutrisyon mo, Sagot ko!

Inilahad sa episode 16 ng programang Nutrisyon mo, Sagot ko ng National Nutrition Council (NNC) ang usapin sa acute malnutrition.

Sumentro ang talakayan nina Zhander Cayabyab at Ms. Jomay Tongol ng NNC sa mahahalagang impormasyon tungkol sa acute malnutrition, panganib na dala nito at paano ito maiiwasan.

Sa pamamagitan ng guest expert na si Ms. Aleli Catalina Jimenez, Board of Director ng Nutritionist-Dietitians’ Association of the Philippines (NDAP) at City Nutrition officer ng Calamba, Laguna, ipinaliwanag nito na ang acute malnutrition ay maaaring kulang o sobra-sobrang nutrisyon ng isang tao.


Maraming uri aniya ito kabilang na ang undernutrition kung saan ang bata ay nakakakuha ng hindi sapat na protina, labis na katabaan o obese, mga batang bansot, kulang sa timbang dahil sa labis na kagutuman at ang sakto ang timbang pero kulang sa bitamina na tinatawag na micro deficiency.

Ayon kay Jimenez, risk ang mga bata sa acute malnutrition kung hindi sila nabibigyan ng sapat na nutrisyon dahil sa kawalan ng pagkain dahil sa kahirapan, ang mga batang labis at walang kontrol sa pagkain at mga batang labis sa paggamit ng gadgets kung saan hindi na sila nakakakain sa tamang oras at nasasaktipisyo na ang kanila kalusugan.

Dahil dito, nagiging sakitin aniya ang mga bata at bumabagal ang kanilang development o paglaki.

Payo ni Jimenez sa mga magulang, upang maiwasan ang acute malnutrition ay kailangang matiyak na napapakain ang mga bata ng tama at wasto kung saan maaaring ibatay ito sa “Pinggang Pinoy” ng NNC.

Dapat rin turuan ang mga bata na alagaan ang sarili sa pamamagitan ng pagkain ng tama at masusustansyang pagkain, disiplinahin sila na magkaroon ng sapat na oras sa pagkain, iwasan ang labis na paggamit ng gadgets tulad ng cellphone o panonood ng telebisyon.

Isa rin aniya sa paraan para maiwasan ang acute malnutrition ay ang pagpapabreast feed sa mga sanggol.

May mga feeding programs din aniya ang pamahalaan para sa mga batang malnourished.

Paalala ni Jimenez, magpakonsulta agad sa doktor upang hindi mauwi sa severe acute malnutrition ang mga bata.

Facebook Comments