Thursday, March 19, 2026

Ad hoc Committee na tutulong sa pagtugon sa mga hamon ng tumitinding krisis sa bansa, pamumunuan ni Sen. Gatchalian

Pamumunuan ni Senator Sherwin Gatchalian ang binuong ad hoc committee ng Senado na tutulong sa pagtugon sa mga hamon na dulot ng tumitinding tensyon sa Middle East.

Ito’y matapos aprubahan sa plenaryo ang Senate Resolution 350 na nagsusulong sa pagbuo ng Senate ad hoc committee na tatawaging Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT).

Layunin ng komite na magpatupad ng whole-of-government approach, tiyakin ang maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga stakeholders, magkakatugmang prayoridad at epektibong execution o implementasyon ng mga hakbang.

Inaasahan ding bubuo ang ad hoc committee ng isang malinaw at komprehensibong contingency plan para maiwasan ang posibleng socioeconomic crisis at ‘stagflation’ o ang sabay na pagbagal ng ekonomiya at pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa.

Pinagsusumite rin ang komite ng ulat sa Mataas na Kapulungan na maglalaman ng kanilang mga obserbasyon at rekomendasyon at sa pangulo para mabigyan ito agad ng aksyon.

Facebook Comments