Thursday, March 19, 2026

Ad hoc committee para sa paghahanda sa krisis ng bansa, isinusulong sa Senado

Isinusulong ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang pagbuo ng isang ad hoc committee na tutulong sa paghahanda ng bansa laban sa malalaking krisis.

Sa Senate Resolution No. 350, itinutulak ni Cayetano, kasama sina Senate President Tito Sotto III at Majority Leader Migz Zubiri, ang pagbuo ng komiteng tatawaging Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT).

Bubuuin ang komite ng mga chairperson ng iba’t ibang komite sa Senado, kabilang ang agrikultura, kalakalan, enerhiya, at iba pang sektor na mahalaga sa pagtugon sa krisis.

Iginiit sa resolusyon na hindi dapat manatiling passive o nakaasa lamang ang Senado sa aksyon ng ehekutibo sa tuwing may krisis, lalo na kung apektado ang buhay, kabuhayan, at kapakanan ng mga Pilipino.

Layunin ng panukala na tulungan ang pamahalaan sa pagbuo ng malinaw at komprehensibong contingency plan sa pamamagitan ng pagpapatawag ng mga pagdinig, pangangalap ng input mula sa iba’t ibang sektor, at pagbabantay—habang nananatili sa executive branch ang pagpapatupad ng mga plano.

Tinukoy rin sa resolusyon ang tumitinding tensyon sa pagitan ng US, Israel, at Iran, at ang epekto nito sa bansa.

Facebook Comments