Lusot na sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr.
Walang miyembro ng National Defense Committee ng CA ang tumutol sa appointment ni Brawner na noong Hulyo ay itinalaga ni Pangulong Bongbong Marcos bilang chief of staff ng AFP.
Kasama rin sa nakumpirma ng CA ang tatlong Major Generals, 22 Brigadier Generals, tatlong Commodores at isang Colonel.
Samantala, karamihan naman ng mga naging tanong ng komite na pinamumunuan ni Congressman Jayjay Romualdo ay tungkol sa polisiya na ipatutupad sa AFP.
Si Brawner din ang kauna-unahang Chief of Staff na makikinabang sa bagong batas na Republic Act 11939, na nagtatakda ng hanggang tatlong taon na maximum tour of duty bilang AFP Chief of Staff.
Kasama rin sa hiniling ng opisyal ang karagdagang mga bagong kagamitan sa hukbong sandatahan para sa pagpapalakas ng territorial defense ng bansa.