Lusot na sa committee level ng Commission on Appointments (CA) ang Ad Interim Appointment ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na sumalang sa CA si Bautista dahil sa palaging nate-tyempuhang kulang sa oras at marami pang mambabatas ang nakalista na magtatanong sa kalihim.
Dahil dito, plenary approval na lamang ang hihintayin mamayang hapon para sa ganap na kumpirmasyon kay Bautista.
Kabilang sa mga tinanong kanina sa secretary ang mga isyung kinakaharap sa lahat ng transport sector, problema ng pagsisikip sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at kawalan ng tauhan sa paliparan ngayong holiday, fuel subsidy sa mga tricycle driver, solusyon sa trapiko, paglalagay ng designated bus lanes sa mga major thoroughfares sa mga lalawigan at iba pang parochial concerns.
Nangako naman si Bautista sa CA na kumikilos ang DOTr para sa pagsasaayos at pagresolba sa mga kasalukuyang problema at isyung kinakaharap ng lahat ng sektor ng transportasyon.
Tiniyak din ng kalihim na ipagpapatuloy sa ilalim ng gobyernong Marcos ang 140 projects sa lahat ng mga airport sa buong bansa na inumpisahan ng dating Duterte administration.