Ad interim appointment ni DPWH Sec. Bonoan, lusot na sa Committee on Public Works and Highways ng Commission on Appointments

Lusot na sa Committee on Public Works and Highways ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni DPWH Secretary Manuel Bonoan.

Si CA Majority Leader Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte ang nagmosyon na irekomenda na sa plenary approval ang kumpirmasyon ng CA sa ad interim appointment ni Bonoan na sinegunadahan at kinatigan ng mga miyembro ng panel.

Lahat din ng miyembro ng komite ay nagpahayag ng buong suporta sa kalihim.


Kabilang naman sa mga natalakay sa pamunuan ni Bonoan ang pagtawag sa atensyon nito tungkol sa mga contractors na sumasali sa bidding at nanggugulo pero sumasahod, ang extortion na kinasangkutan ng isang non-government organization (NGO) na Crime and Corruption Watch ng ahensya, ang usapin sa right of way at ang pagpopondo sa mga tulay at iba pang imprastraktura na nasira ng bagyo at lindol na hindi na naisama sa 2023 national budget.

Naitanong naman ni Senator Grace Poe kung ano ang mga big ticket projects sa ilalim ng Marcos administration na kanyang tututukan at batay sa kalihim, ang instructions sa kanya ni Pangulong Bongbong Marcos ay i-revisit ang national road systems para gawing mas episyente ang transportasyon at pag-ugnayin ang mga rehiyon para sa madaling pagbiyahe sa mga lugar.

Nabusisi naman ni Senator Imee Marcos ang 2022 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Bonoan na nakatanggap umano ng ‘receivables’ na aabot sa P32 million mula June 30, 2021 hanggang June 30, 2022.

Tugon naman ni Bonoan, ito ay mula sa kanyang retirement pay noong siya pa ay nasa pribadong sektor at ‘yong iba ay mula sa family business.

44 na taon na nagsilbi si Bonoan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) mula 1966 kung saan nagsimula ito sa Bureau of Public Highways bilang civil engineering aid hanggang sa maging senior undersecretary noong 2007 at nagretiro noong 2010.

Nanungkulan din si Bonoan sa San Miguel Corporation bilang consultant at adviser noong 2011, naging president at chief executive ng tatlong subcompanies ng San Miguel at namahala rin sa mga tollway.

Facebook Comments