Ad interim appointment ni DSWD Secretary Judy Taguiwalo, ibinasura ng Commission on Appointments; Mga senador, nagpahayag ng suporta kay Taguiwalo

Manila, Philippines – Ibinasura ng Commission on Appointments o CA ang kumpirmasyon sa ad interim appointment ni Secretary Judy Taguiwalo sa Department of Social Welfare and Development.

Sabi ni Taguiwalo, hindi niya ikinagulat ang pasya ng CA kahit pa naniniwala siyang karapat-dapat siyang makumpirma para sa DSWD base sa kanyang integridad, track record at competence.

Naniniwala si Taguiwalo na ang mahigpit niyang pagtutol na magamit ng mga kongresista na parang pork barrek nila ang pondo ng DSWD ang isa sa mga dahilan kaya hindi siya pinalusot sa CA.


Sa kanyang presscon ay sinabi din ni Taguiwalo na ang mga tinutulungan ng DSWD na lumad at mga bakwit ay pinaghihinalaan ding miyembro ng New People’s Army.

Nagpahayag naman ng pagsuporta kay Taguiwalo bilang DSWD Secretary sina Senators Loren Legarda, Juan Miguel Zubiri, Sonny Angara at sina Liberal Party Senators Ralph Recto, Francis Kiko Pangilinan, Frankilin Drilon at Bam Aquino.

Sabi nina Legarda at Zubiri, naniniwala sila sa pagiging tapat na community worker ni Taguiwalo.

Para naman kay Senator Angara, natatangi sa kwalipikasyon ni Taguiwalo ang pagkakaroon ng puso sa mahihirap, integridad at kakayahan.

Ayon kay Recto, complete package si Taguiwalo para pamunuan ang DSWD kung saan kahanga-hanga aniya ang galing nito bilang parte ng akademya at ang kanyang tapang na ipinamalas nito sa paglaban sa diktadurya.

Si Senator Aquino naman ay nalungkot sa pasya ng CA at isang hamon aniya sa magiging kapalit nito ang pagpapatuloy ng mga poverty alleviation program ng DSWD tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Inihayag naman ni LP President Senator Pangilinan na silang mga LP senators ay naninindigang dapat otomatiko ang kumpirmasyon ni Taguiwalo bilang pagbibigay konsiderasyon sa tapang ng paglaban nito sa Marcos’ dictatorship na tatlong beses pang nabilanggo.

Facebook Comments