Ad interim appointment ni Health Secretary Ted Herbosa, lusot na sa Committee on Health ng CA

Matapos na ma-bypass ng Commission on Appointments (CA) noong Setyembre si Health Secretary Teodoro Herbosa ay nakalusot na rin ito ngayon sa Committee on Health ng komisyon.

Nagmosyon si CA Majority Leader Cong. Luis Raymond Villafuerte na aprubahan na ng komite ang ad interim appointment ni Herbosa na siyang kinatigan naman ng mga miyembro.

 

Matatandaang ito na ang ikalawang beses na pagharap ni Herbosa sa panel matapos na ma-bypass noong Setyembre dahil sa dami ng mga mambabatas na magtatanong at sa kakulangan na rin ng oras bunsod session break.


Agad ding ni-reappoint ni Pangulong Bongbong Marcos si Herbosa matapos na ma-bypass ng CA.

Bago ang pag-apruba sa ad interim appointment ng kalihim ay maraming katanungan ang ibinato sa kanya ng mga mambabatas kabilang na rito ang mababang utilization ng pondo ng DOH para sa taong 2022, ang mga kontrobersyal na social media posts nito noong panahon ng pandemic laban sa healthcare workers, community pantry at red-tagging, ang napakatagal na distribusyon ng emergency allowances para sa health care workers, interventions at repormang ilalatag sa Universal Health Care Law, at iba pang isyu sa departamento.

Sa huli ay kanya-kanyang ‘manifestation of support’ naman ang inihayag ng mga senador at kongresista para kay Herbosa.

Sunod na sasalang ngayong hapon sa plenaryo ang Kalihim para sa pormal na pagapruba ng CA sa kanyang ad interim appointment.

Facebook Comments