Mabilis na inaprubahan sa plenaryo ng Commission on Appointments (CA) ang kumpirmasyon sa ad interim appointment nina Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susana “Toots” Ople at Commission on Audit (COA) Chairman Gamaliel Cordoba.
Unang sumalang para sa plenary approval si Cordoba kung saan si Senator Cynthia Villar ang nag-endorso para sa kumpirmasyon nito.
Tinukoy ni Villar ang pagpapahalaga ni Cordoba sa katapatan at pagsisikap na taglay na nito mula pa noong kabataan.
Si Cordoba bago maging COA chairman ay nagsilbing chief of staff sa Office of the Executive Secretary sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Gloria Arroyo, naging bahagi ng board ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Commissioner ng National Telecommunications Commission (NTC).
Samantala, lusot din agad sa plenaryo ang ad interim appointment ni Ople kung saan si Cong. Greg Gasataya ang nag-endorso.
Binigyang diin ni Gasataya ang mga mahahalagang nagawa ni Ople tulad ng pagbuo ng Citizens’ Drug Watch, pagiging workers’ rights at anti-human trafficking advocate, paglaban para sa proteksyon sa karapatan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Tinukoy naman ni Cong. Ramon Guico ang mahalagang papel ni Ople sa pagiging resource person ng Kongreso para sa pagbalangkas ng batas na magbibigay proteksyon sa karapatan ng mga Pilipino at paglaban sa human-trafficking.
Sinegundahan naman ni Cong. Abet Garcia ang naunang pahayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na walang ibang nararapat sa pagiging Kalihim ng DMW maliban kay Ople.
Naniniwala ang CA panel na masusuportahan at maisusulong ni Ople ang karapatan ng mga migrant worker sa ilalim ng kanyang pamumuno.