Ad interim appointment nina Energy Sec. Raphael Lotilla at DOST Sec. Renato Solidum, lusot na sa komite ng CA

Lusot na sa committee level ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment nina Energy Sec. Raphael Lotilla at Department of Science and Technology (DOST) Sec. Renato Solidum.

Si Lotilla ay matatandaang dalawang beses na nasuspinde ang deliberasyon sa ad interim appointment nito sa CA bunsod na rin ng mahabang listahan ng magtatanong na mambabatas at kakulangan ng oras at sa ikatlong pagkakataon ay naaprubahan na rin ito.

Nangako si Lotilla na sa ilalim ng kaniyang pamamahala ay sisikapin ng ahensya na mabawasan ang singil sa kuryente.


Nagbigay rin ng commitment ang kalihim sa pagsasaayos ng structural reforms sa mga tanggapan na nasa ilalim ng Department of Energy (DOE) at ang pagiging independent nito sa mga pagpapasya kahit noon ay naging bahagi at opisyal siya ng Aboitiz na isang electric service company.

Binigyang garantiya rin ni Lotilla ang targets ng DOE na maibaba ang dependence ng bansa sa coal energy upang mabawasan ang nararanasang global warming.

Samantala, aprubado rin agad ng komite ng CA ang ad interim appointment ni Solidum.

Ilan sa mga naitanong kay Solidum ang mga hakbang ng DOST sa research and development, food security, pagpapalakas ng agrikultura, at mga pamamaraan para mahikayat ang mga estudyante na sumabak sa science and technology.

Sunod namang isasalang sa pag-apruba ng committee level ng CA ang ad interim appointment ni Department of Transportation (DOTR) Sec. Jaime Bautista at 32 senior officials ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Facebook Comments